MANILA, Philippines — Arestado ang isang security guard na nakatala bilang most wanted person dahil sa kasong rape matapos ang isinagawang manhunt operation sa lungsod ng Caloocan, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Caloocan City Police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong akusado na si Samuel Alojado Jr, 32-anyos at residente ng 162 Asistio St., Barangay 88, Caloocan City.
Sa report ni Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagsagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Maj. Jeraldson Rivera ng manhunt operation kontra wanted persons.
Hindi na nakapalag si Alojado nang palibutan siya ng mga operatiba ng WSS sa kahabaan ng A. Mabini St., Barangay 17, Caloocan City, dakong alas-3:50 ng hapon.
Ayon kay Rivera, si Alojado ay inaresto nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Barbara Aleli Hernandez Briones ng FC Branch 1, Caloocan City noong Agosto 22, 2023 kaugnay ng kasong rape.