MANILA, Philippines — Para maisulong ang mga pangunahing reporma na mahalaga para sa mabilis na pag-unlad ng ekonomiya ay itutuloy pa rin ng pamahalaan ang pagpapataw ng mga dagdag na buwis para sa susunod na taon.
Sa budget briefing ng Senate Committee on Finance na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara para sa 2024 National Expenditure Program (NEP) ay sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ipagpapatuloy nila ang pakikipagtulungan sa Kongreso para maisulong ang pagpapasa sa mga natitirang tax reform packages ng nakaraang administrasyong Duterte at mga bagong tax measures sa ilalim ng kasalukuyang Marcos administration.
Kabilang sa mga itinutulak na dagdag na buwis ay ang Package 4 o ang Passive Income and Financial Intermediary Taxation; Excise tax sa single-use plastic;Rationalization of mining fiscal regime; Motor vehicle road users tax; excise tax para sa matatamis na inumin at junkfoods; buwis sa pre-mixed alcohol at VAT sa digital service providers.
Target naman na aprubahan ngayong 19th Congress ang pitong panukala para sa mga nabanggit na dagdag na buwis bilang suporta sa medium-term fiscal framework.
Sinabi pa ni Diokno na kapag naipatupad ang mga tax measures na ito ay makakalikom ang gobyerno ng P120.5 billion na dagdag sa kita para sa taong 2024.
Pagnagtuluy-tuloy ay tataas pa umano ang makokolektang buwis dito sa P152.2 billion sa 2025 at P183.2 bilyo sa 2026.