MANILA, Philippines — Pinawalang bisa ng Korte Suprema ang pagkapanalo ni Romeo Jalosjos Jr. bilang kinatawan ng unang distrito ng Zamboanga del Norte.
Sa botong 12-2, kinatigan ng Mataas na Hukuman ang nanalong si Roberto “Pinpin” Uy Jr. matapos ang mahigit isang taon nang iproklama ng Commission on Elections (Comelec) si Jalosjos noong Hunyo 23, 2022 sa naganap na May 2022 elections.
Hindi naman sumang-ayon sa desisyon na ipinonente ni Associate Justice Mario Lopez sina Marvic Leonen at Alfredo Benjamin Caguioa.
Noong Hulyo 2022, nagpalabas ng status quo ante order ang SC upang hindi makaupo si Jalosjos sa Kongreso kaugnay sa inihaing petisyon ni Uy.
Nagprotesta si Uy sa resulta ng halalan at ang diskwalipikasyon ng nuisance candidate na si Federico Jalosjos, na naidagdag ang mga boto nito sa kabuuang boto ni Jalosjos.
Si Jalosjos, anak ni dating congressman Romeo Jalosjos Sr., ay nakakuha ng boto na 69,109 votes, at sumunod lamang siya sa nangunang si Uy na may 69,591 boto.
Nagpasiya naman ang Comelec na ipasa kay Jalosjos ang nakuhang boto ni Federico Jalosjos kaya umabot sa kabuuang 74,533 boto na nilagpasan ng 4,942 votes si Uy.