MANILA, Philippines — Sa hangarin na maabot ang mas maraming Pantawid Pamilyang Pilipino Program(4Ps) members at marginalized sector, nagdeploy ng personnel ang More Electric and Power Corporation (More Power) sa mga barangay para tumanggap ng aplikasyon para mabigyan ng diskwento sa singil sa kuryente o ang lifeline rate subsidy sa ilalim ng Epira Law.
Ayon kay More Power President at CEO Roel Castro, layon ng kanilang ginawang hakbang na matiyak na mas mapalapit sa marginalized group ang lifeline rate subsidy at marami ang maka-avail nito.
“In addition to accepting applications in our office, we also deploy personnel to barangays for on-site registration,”pahayag ni Castro kung saan hanggang nitong Agosto 2 ay nasa 1,519 aplikasyon na ang kanilang natatanggap mula sa 42 barangay.
Inabisuhan nito ng mga consumers na palagian lamang bisitahin ang kanilang official Facebook page para sa petsa at lugar ng barangay on-site registration.
Ang full rollout ng aplikasyon para sa subsidy ay pinalawig ng DOE hanggang sa buwan ng Setyembre dahil sa mababang turnout ng aplikasyon.
Hinimok ni Castro ang mga eligible applicants na samantalahin ang maaaring makuha na diskuwento lalo at mas pinalapit na ng More Power sa mga residente ang aplikasyon.
Sa ilalim ng bagong polisiya ng Enhanced Lifeline Subsidy na ipinalabas ng Department of Energy (DOE), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Energy Regulatory Commission (ERC), ang mga 4Ps members gayundin ang marginalized sector na kumukunsumo ng mas mababa sa 100Kwh kada buwan ang eligible na sa subsidy.