‘Di lang riders...
MANILA, Philippines — Hindi lang mga motorcycle riders ang huhulihin ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sumisilong sa ilalim ng mga footbridge at flyover kundi maging ang mga street vendors.
Ito ang sinabi kahapon ni MMDA director for traffic enforcement group, Atty. Victor Nuñez, sa televised Laging Handa public briefing nitong Biyernes.
Aniya, may departamento ang MMDA na nag-o-operate at nagmomonitor ng street vendors dahil iligal, walang permit para magtinda, at sagabal ang mga ito sa pagdaloy ng trapiko.
Una nang nagbabala si MMDA chairman Romando Artes na huhulihin at magmumulta ng P1,000.00 ang motorcycle riders na sisilong sa ilalim ng flyovers at footbridges kapag umuulan.
Nagdudulot umano ito ng pagbagal ng daloy ng trapiko lalo na kung nagkukumpulan na kumakain ng 2-3 lane at nagiging obstruction sa mga pangunahing lansangan at mapanganib pa para sa mismong mga riders at ibang motorista lalo na kung zero visibility dahil sa lakas ng buhos ng ulan.
Nangako naman si Artes na muling makikipag-ugnayan sa mga gasoline station sa EDSA na magtayo ng tents para may silungan ang mga riders, matapos ilan ang nagpahayag ng pangamba na delikado rin ang pagpapatambay sa mga riders na gumagamit ng cellphone na hindi dapat gawin dahil sa mga imbak na gas.