Smugglers at hoarders ng agricultural products, bilang na ang araw ninyo! - Marcos

A vendor arranges onion packs at a stall in Manila.
STAR / Miguel de Guzman, file

MANILA, Philippines — Nagbabala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga smugglers at hoarders ng mga produktong agrikultural na bilang na ang araw ng mga ito.

Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Marcos na ang mga smugglers at mga hoarders ang dahilan sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong agrikultural, gayundin sa fertilizers o pataba na ginagamit ng mga magsasaka.

Ayon kay Marcos na hahabulin at ihahabla ang mga smugglers at hoarders dahil hindi ito tugma sa magandang layunin at sa halip ay napapahamak hindi lang ang mga magsasaka kundi tayo rin mga mamimili kaya hindi niya papayagan ang ganitong kalakaran.

Ang mga hoarders at smugglers din umano  ang dahilan ng pagtaas ng presyo dahil namamanipula nila ang mga produktong agrikultural.

Kasabay nito, inihayag din ni Marcos sa kanyang SONA, na pinapalawak ng pamahalaan ang kaalaman ng mga magsasaka sa mga makabagong teknolohiya at pamamaraan.

Kabilang na umano rito ang paggamit ng bioferti­lizer na gawa sa Pilipinas para hindi na umasa sa mas mahal at imported na ferti­lizer para mapalakas ang local agricultural production at sa ganitong paraan ay gaganda ang ani ng mga magsasaka.

Ibinida rin ng pangulo sa kanyang ikalawang SONA na namigay ang pamahalaan ng mahigit 28,000 mga makabagong makinarya at mga kagamitan sa iba’t ibang dako ng Pilipinas at mga binhi ng palay at niyog at nagpatanim ng halos 10,000 ektarya ng lupa sa buong bansa.

Show comments