MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang anim katao matapos na maharang sa ipinuslit na yosi na nagkakahalaga ng P7.2 milyon sa isinagawang anti-smuggling operation sa Zamboanga City.
Kinilala ang mga suspek na sina Sukrimar Jose, 33; Kiram Sali, 54; Masaron Sahiron, 39; Ayyub Abbas, 69; Jun Alpa, 55; at P.J. Milagrosa na inaresto, alas-11:15 kamakalawa ng gabi sa island village ng Manalipa, Zamboanga City.
Nabatid na nagsasagawa ng seaborne patrol ang mga pulis, Bureau of Customs (BOC) at sundalo nang maharang ang isang motorboat na may pangalang “FB Harayana” sakay ang anim na katao.
Lumilitaw na nagsagawa ng seaborne patrol ang mga otoridad nang makatatanggap ng impormasyon na isang motorboat ang may lulan ng smuggled na sigarilyo sa Manalipa Island mula sa Jolo, Sulu patungong Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Nang inspeksiyunin ang motorboat nadiskubre ang iba’t ibang sigarilyo ng walang kaukulang dokumento.
Nasa kustodiya na ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company ang mga suspek habang iti-turn over ang mga nakumpiskang sigarilyo sa BOC.