MANILA, Philippines — Kahit pababa na ang mga kaso ng COVID-19 at upang makaiwas din na makakuha ng iba pang sakit na naipapasa ng tao ay hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care ang mga Pilipino na patuloy na magsuot ng face masks.
“Ang mask naman natin, it can be a barrier. Hindi lang naman COVID ang iiwasan mo kaya ka nagsusuot nito. Pwede itong proteksyon mula sa usok, pati sa ibang sakit tulad ng tuberculosis. So, kung makikita mo, marami rin talaga siyang benefits,”ayon kay CBCP-ECHC Executive Secretary Camillian Father Dan Cancino.
“Kasi baka isipin na magma-mask lang ako dahil baka may COVID, pero paano ‘yun kapag wala nang COVID, ibig sabihin ‘di na tayo magma-mask?” ayon sa pari.
Mas lalo umano dapat na ugaliin ang pagsusuot ng face mask lalo na ng mga mahihina ang resistensya hindi lang para sa sarili ngunit maging sa mga kapamilya na maaaring maihawa rin ang kanilang masasagap na sakit sa labas.
Iniulat kamakailan ng Department of Health (DOH) ang dagdag na 503 bagong kaso ng COVID-19 para maitala ang mga aktibong kaso sa bansa sa 7,896.