P40 dagdag sa minimum wage sa metro workers aprub na

Commuters bound for work and school ride the LRT train on March 7, 2023, the second day of the weeklong jeepney strike.
Walter Bollozos/File

MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of Labor of Employment (DOLE) na may dagdag na P40 ang mga manggagawa sa pribadong sector na minimum wage earner sa Metro Manila sa susunod na buwan.

Ayon sa DOLE, ang Regional Wage Board ng NCR ay naglabas ng Wage Order No. NCR-24 noong Hunyo 26, 2023 ukol sa nasabing pagtaas.

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE-NCR) Director Sarah Mirasol na inaprubahan ng Regional Tripartite Wage Productivity Board (RTWPB) ang bagong wage order na nagbibigay ng P40 arawang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa rehiyon.

Dahil dito, aabot na sa P610 sa umiiral na P570 na daily minimum wage rate sa rehiyon.

Sinabi ni Mirasol na sa Hulyo 16, 2023 ay epektibo na ito matapos pagtibayin ng National Wages and Productivity Commission ang wage order.

Sakop ng bagong wage order, aniya ang mga manggagawa mula sa industriya ng agrikultura at hindi pang-agrikultura.

Mula naman sa P533  na arawang sahod ng mga nasa agriculture sector kasama na ang service establishment at mga nagtitinda ng tingian o retail na may 15 o mas mababa pang bilang ng empleyado ay tataas na ito sa P573.

Ayon sa DOLE, nasa 1.1 milyong minimum wage workers sa NCR ang direktang makikinabang sa dagdag-sahod.

Idinagdag pa ng DOLE, nasa 1.5 milyon na full-time wage at salary workers na lagpas sa minimum ang makikinabang din.

Sa datos pa ng kagawaran, ang 40 pesos na dagdag sa minimum wage ay katumbas ng 7% na pagtataas sa minimum na sahod na tinatanggap sa NCR.

Ayon kay Mirasol, ibinase ng mga miyembro ng RTWPB ang kanilang desisyon na magbigay ng wage adjustment sa ave­rage na inflation rate.

Hindi naman sumang-ayon ang labor sector sa mas mataas na hinihinging dagdag-sahod.

Show comments