MANILA, Philippines — Bukod sa mga aktibidad sa Mt. Mayon at Mt. Taal, patuloy namang binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang Bulkang Kanlaon sa Negros na nasa ilalim ng alert level 1 status.
Ito ay makaraang magluwa ang bulkan ng 1,089 tonelada ng asupre at katamtamang pagsingaw na napadpad sa hilagang-silangan. Kinakitaan din ng pamamaga ang bulkan. Bunga nito, patuloy na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok ng sinuman sa loob ng apat na kilometrong (4 km) radius Permanent Danger Zone sa paligid ng Bulkang Kanlaon.
Pinagbabawal din ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dahilan sa banta ng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions.