MANILA, Philippines — Tablado kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, Jr. ang mga panawagang ibalik ang kasunduan sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at Department of National Defense (DND) na nagbabawal sa pagpasok ng militar sa UP campus.
Agad nilinaw ng kalihim na hindi ito nangangahulugan na hindi niya kinikilala ang autonomy ng University of the Philippines (UP).
Ayon kay Teodoro na hindi siya naniniwala sa ganitong kasunduan lalo na at nagagamit ng mga kalaban ng gobyerno ang unibersidad para mag-recruit ng kanilang mga bagong miyembro.
Sinabi ni Teodoro na kailangan lamang balansehin ng mga otoridad ang karapatan sa malayang pamamahayag.
Sakali aniyang gawing batas ang 1989 DND-UP accord at pinirmahan ni Pangulong Marcos Jr. sinabi ng kalihim na igagalang niya ito, subalit hindi susuportahan.
Hindi lang naman aniya sa UP may nagaganap na recruitment kundi sa iba pang mga pamantasan at unibersidad kaya dapat hindi i-single-out ang nabanggit na unibersidad sa kampanya laban sa insureksiyon.