MANILA, Philippines — Sumama na ang Makati Business Club (MBC) sa malawakang panawagan na ipasa na ang panukalang batas sa simple at mabisang pagbabayad ng buwis at magpapalago sa pagtupad nito ng mga Pilipino.
Kinilala ng grupo ang mga pagsisikap ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee sa pagreporma sa nasabing batas.
Ayon sa grupo, kanilang ipinapanalangin ang Kamara, Senado at si Pangulong Marcos na magkasundo at isabatas na ang EOPT (Ease of Paying Taxes) bill ngayong taon para maging simple at madali ang pagbabayad ng buwis, palaguin ang pagtupad nito, palakasin lalo ang pananalapi ng gobyerno at makatulong sa mga negosyo sa paglikha ng higit na kapaki-pakinabang na mga trabaho.
Anila, kinikilala nila ang lideratong ipinakikita ni Rep. Joey Salceda, may-akda ng House Bill 4124 o EOPT, na ipinasa na ng Kamara noon pang Setyembre 2022.
“Masidhi naming hinihiling sa Senado at Kamara na magkaisa at aprubahan na ang panukalang batas,” dagdag ng MBC.
Ipinaliwanag ng MBC na sa ilalim ng EOPT, magiging simple at madali ang pagbabayad ng buwis ng lahat, lalo na ng maliliit at katamtamang mga negosyo para makatulong sa pagpondo sa programa, serbisyo, mga imprastraktura ng gobiyerno at pambansang seguridad.