MANILA, Philippines — Sumadsad ang isang barko ng Chinese na may kargang nickel ore sa mababaw na bahagi ng karagatan ng Guiuan, Eastern Samar, kamakailan.
Sa ulat kahapon ng Philippine Coast Guard, noong Abril 18, alas-6:10 ng gabi nang sumadsad ang MV Zhe Hai 168 sa katubigan may 2.7 nautical miles sa baybayin ng Brgy. Sulangan sa bayan ng Guiuan.
Ibinibiyahe ng bulk carrier ang kargang 55,200 metric tons ng ‘nickel ore’ mula sa Homonhon Island sa Eastern Samar patungo sa Caofeidian (China) nang mangyari ang insidente.
Ayon sa Philippine Coast Guard na agad rumesponde, ang naturang barko na sumadsad sa katubugan malapit sa Brgy. Sulangan, Guiuan, Eastern Samar ay isang Chinese flagged bulk carrier, MV ZHE HAI 168.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang bulk carrier ay may dalawampung Chinese crew at bumibiyahe mula sa Homonhon Island, Eastern Samar, papuntang Caofeidian (China) nang mangyari ang insidente at nailigtas ang Tsinong tripulante.
Ang Coast Guard Sub-Station Guiuan, Marine Environmental Protection Unit (MEPU), at agent ng MV ZHE HAI 168 ay nagsagawa na ng ocular inspection kasama ang DENR at mga opisyales ng LGU.
Ayon naman sa mga Chinese crew walang leakage/damage ang kanilang sasakyang pandagat. Nabatid rin na dahil sa malakas na ‘sea current’ kaya napadpad ang barko sa mababaw na bahagi ng dagat dahilan ng pagsadsad nito.