Azurin kina Bantag, Zulueta
MANILA, Philippines — Kasunod nang pagpapalabas ng mga warrants of arrest ng Muntinlupa at Las Piñas Regional Trial Courts nitong Biyernes ay pinasusuko ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. sina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating Deputy Officer na si Ricardo Zulueta.
Ayon kay Azurin, itinuturing nang mga pugante ang dalawang dating opisyal na sangkot sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor.
Giit ni Azurin, noon pa man ay tiniyak na niya kay Bantag ang seguridad nito sakaling sumuko at harapin ang kanyang kaso. Naniniwala si Azurin na mas mabibigyan ng pagkakataon si Bantag na ipaliwanag at ipagtanggol ang kanyang sarili sa korte.
Wala namang natatanggap na surrender feelers ang PNP. Kasalukuyang nagsasagawa ng manhunt operations ang pulisya sa Bulacan at Caloocan kina Bantag at Zulueta na kapwa nahaharap sa two counts ng murder sa pagpatay kina Lapid at Villamor.
Nauna nang itinanggi ni Bantag ang mga alegasyon laban sa kanya na aniya’y gawa-gawa lamang.
Magugunitang si Lapid ay binaril sa Las Piñas noong Oktubre 3, 2022 habang si Villamor, isang preso ay namatay sa New Bilibid Prison noong Oktubre 18, 2022.