P12.34 milyong agrikultura winasak ni ‘Amang’

Satellite image ng bagyong "Amang" mula sa kalawakan
RAMMB

MANILA, Philippines — Umabot sa P12.34 ­milyon ang winasak at nasira ng bagyong Amang sa mga pataniman at hayupan sa Camarines Sur at Sorsogon.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), may 1,324 na magsasaka ng palay, high value crops at livestock ang naapektuhan ng bagyo na pumapaloob sa 1,096.6 ektarya ng sakahang lupa sa nabanggit na mga lugar.

Iniulat ng DA na may P8.07 milyong halaga ng pinsala sa palayan na may volume loss na 436 me­tric tons, sinundan ng mga pataniman ng iba’t ibang uri ng gulay  na may P4.15 ­milyong halaga at may ­volume loss na 228 metric tons at ang dairy cattle na may halagang P126,000 ang pinsala ng naturang bagyo.

Agad namang inaalam ng DA ang mga apektadong agri lands upang mabigyan ng kaukulang tulong ang mga magsasaka para sa muling pagbangon ng hanapbuhay.

Mayroon ding Survival and Recovery Loan Program na nailatag ang Agricultural Credit Policy Council upang makautang ng may P25,000 ang mga apektadong magsasaka na maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon na walang interest.

Tutulong din ang DA para mabigyan ng kailangang bigas, mais at mga binhi ng gulay, gamot at biologics para sa manukan at babuyan gayundin ng fish fingerlings sa mga pangisdaan.

Isa nang low pressure area ang bagyong Amang at inaasahang malulusaw sa susunod na 24 oras.

Show comments