MANILA, Philippines — Nanawagan ang isang solon kay Pangulong Marcos na sibakin na sa puwesto ang mga opisyal ng gobyerno na walang ambag sa bansa o yaong mga palamuti lamang sa kanilang mga hinahawakang puwesto.
Ito ang mariing panawagan ni 1st District Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at binigyang diin na hindi lamang mga empleyado ng pamahalaan kundi maging mga opisyal pa ang dating masampulan sa rightsizing program.
Aniya mga ‘parasitic entities’ ang mga opisyal ng gobyerno na wala namang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.
Sinabi pa ni Alvarez na maraming mga kawani at opisyal ng pamahalaan na tumatanggap ng napakalaking suweldo, pero wala namang malinaw na ambag sa bayan.
Hindi naman tinukoy ng Davao solon ang mga opisyal ng gobyerno na pinasasaringan nitong ‘parasitic entities’ pero kilala na aniya ito ng publiko partikular na sa executive branch.
Inihayag pa ni Alvarez, walang ibang ginawa ang nasabing mga opisyal ng gobyerno kundi ang rumaket matapos na matalaga sa puwesto sa halip na paunlarin ang ahensiyang kanilang hinahawakan.