PPA handa sa higit 2.2 milyong pasahero sa Semana Santa

Travellers flock at the boat ticketing outlets in Cebu City immediately after the storm Agaton hoping to go home with their families in time of the Holy Week and summer vacation.
Aldo Nelbert A. Banaynal

MANILA, Philippines — Nakahanda ang Philippine Port Authority (PPA) sa pagdagsa ng nasa 2.2 milyon pasahero sa mga pantalan ngayong Semana Santa dahil sa halos pagbabalik na sa normal na sitwasyon buhat sa mga restriksyon na ipinatupad noon ng gobyerno dahil sa COVID-19.

Sa datos ng PPA, noong Semana Santa 2022 ay nakapagtala sila ng 1.3 milyong pasahero mula Linggo ng Palaspas hanggang Linggo ng Pagkabuhay. Dahil sa pagluluwag ngayon at kasabikan na makapagbakasyon ng mga Pilipino at mga turista, inaasahan na aakyat ito sa higit 2.2 milyon.

Tiniyak naman ni PPA General Manager Jay Santiago na handa sila sa pagdagsa ng mga pasahero makaraan ang pagbubukas ng ilang mga bago at malalaking terminal nitong Marso. Kabilang dito ang Passenger Terminal Building ng Port of Calapan na siyang pinakamalaking terminal at dalawang Port Operations Building sa Port of Coron sa Palawan at sa Masbate Port.

Naglabas na rin si Santiago ng memorandum order na nagkakansela sa leave ng lahat ng kanilang tauhan sa 25 Port Management Offices at 120 mga pantalan mula Abril 3-10 para matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero sa lahat ng terminal.

Show comments