MANILA, Philippines — Humingi na ng tulong sa mga otoridad ang dating vice mayor ng San Fernando, Masbate para mahanap ang kaniyang anak na babae na isang linggo nang nawawala.
Nabatid na noong Pebrero 20 nang umalis umano sa tinutuluyang condo unit sa Taguig ang kanyang anak para katagpuin ang nakahiwalayan umanong asawa.
Ayon kay dating Vice-Mayor Karla Bunan, hanggang ngayon ay hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanya at sa mga kaibigan ang kanyang anak na si Veronicka Bunan Romualdez.
Nang umalis umano ito sa tinutuluyang condo unit sa Bonifacio Global City noong Pebrero 20, kinatagpo umano ng kanyang anak ang nakahiwalayan nitong mister na si John Lorenz Romualdez, sa isang hotel sa Parañaque.
“Hindi ko po alam kung nasaan siya. Wala siyang tawag. Kahit sa mga kaibigan niya po hindi siya tumatawag, very unusual po ito,” wika ng dating bise alkalde.
“Nung nakita ko po yung CCTV footage na dumating po sila, sabay po sila nung mag-asawa, doon ko po nalaman na talaga pong si Veronicka po nagpunta at saka si John Lorenz po yung kanyang husband noong [February] 20 nung gabi,” patuloy niya.
Nanatili umano ang mag-asawa sa hotel at umalis sa sumunod na araw pero nauna umano si John Lorenz.
“Kinabukasan lumabas po ng room, nauna po yung lalaki, tapos si Nicka po... nagpunta ng basement. Tapos yun na po... ang huling kita sa kanya. Hindi po siya nakitang sumakay ng kahit anong sasakyan po,” wika pa ni Bunan.
Ayon kay Bunan, ilang buwan nang hiwalay ang kanyang anak kay John Lorenz. Pero nakipagkita umano ang kanyang anak dito na nais umanong makipag-ayos.
Naghain na ng missing person report ang pamilya ng dating bise alkalde sa Taguig police at nagsumite na ng report sa PNP Anti-Kidnapping Group para mahanap si Veronicka.