MANILA, Philippines — Dahil sa ginawang pantakip sa kotse ang bandila ng Pilipinas ay sinampahan ng kaso ng Mandurriao Police Station ang isang lalaki. Ayon kay P/Lt. Joebert Amado, deputy chief ng Mandurriao Police Station, kasong paglabag sa Republic Act No. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines ang isinampa laban kay Jared Serrano, 25, sa Iloilo City Prosecutor’s Office. Nakasaad sa batas na ipinagbabawal ang paggamit sa Philippine flag bilang panakip sa kisame, dingding o kahit sa anumang bagay na nagpapakita ng pagkawalang-respeto sa bandila ng bansa. Umaasa ang kapulisan na sa nangyaring paglabag ay magsilbi itong aral sa publiko na huwag gamitin sa anumang bagay ang watawat na nagpapakita ng pagkawalang respeto.