MANILA, Philippines — Wala pang kalahati sa mga Pilipino ang pabor sa paggamit ng lokal na wika o local dialect sa pagtuturo ng Grade 1 hanggang Grade 3 base sa resulta ng isang survey na kinomisyon ni Senador Sherwin Gatchalian.
Sa survey na isinagawa sa 1,200 na respondents noong Setyembre 17-21, 2022, tinanong sila kung anong wika o lupon ng mga wika ang dapat gamitin bilang primary language of instruction sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3.
Lumalabas na 38% lamang ang pumili sa lokal na wikang ginagamit sa isang rehiyon, 88% sa mga kalahok ang pabor sa paggamit ng Filipino, habang 71% ang pabor sa paggamit ng Ingles.
Lumitaw rin sa survey na nasa kalahati ng mga respondents sa Visayas at Mindanao ang mas nais na gamitin ang kanilang local language bilang medium of instruction sa nasabing mga baitang.
Samantala, 18% lamang ng mga kalahok mula National Capital Region (NCR) at 33% mula sa Luzon ang pabor sa paggamit sa lokal na wika.
Hindi rin umabot sa kalahati ng mga kalahok mula Class ABC (41%), D (36%), at E (48%) ang pabor sa paggamit ng lokal na wika sa pagtuturo sa Grade 1 hanggang Grade 3.