MANILA, Philippines — Umaabot na sa 600 na kaso ng Chikungunya ang naitatala ng Department of Health (DOH) sa bansa sa nakalipas na taon.
Ayon sa DOH, mula sa kanilang pinakahuling Disease Surveillance Report, mayroong 600 kaso ang naiulat mula Enero 1 hanggang Disyembre 17, 2022. Mas mataas na ito ng 552 porsiyento kumpara sa 92 kaso ng Chikungunya na naiulat sa parehong panahon noong 2021.
Ang tatlong nangungunang rehiyon na may kaso ng chikungunya ay ang CALABARZON na may 155; Central Visayas (127); at Davao Region (114).
Samantala, ang may highest increase kung ikukumpara noong 2021 ay ang Davao Region (11300%; 1 hanggang 114), CALABARZON (1838%; 8 hanggang 155), at Central Visayas (1055%; 11 hanggang 127).
Ang datos mula sa Epidemiology Bureau ng DOH ay nagpakita rin na walang namamatay mula sa chikungunya noong nakaraang taon gayundin sa parehong panahon noong 2021.
Ang nasabing virus ay kumakalat sa mga tao sa pamamagitan ng kagat ng isang nahawaang lamok. Nagdudulot ito ng lagnat at matinding pananakit ng kasukasuan, sabi ng World Health Organization.