Hindi nakadalo dahil may ‘gout’
MANILA, Philippines — Hinatulang guilty kahapon ng Sandiganbayan si dating Maguindanao Governor Sajid Ampatuan sa kasong 8 counts ng graft at falsification of public documents kaugnay ng P22.364 ghost projects sa imprastraktura sa panahon ng termino nito.
Sa promulgasyon ng kaso, hinatulan si Ampatuan ng 5th Division ng Sandiganbayan ng pagkakakulong ng anim hanggang 8 taon sa bawat kaso ng graft at 2 hanggang 6 taong pagkakakulong sa bawat kaso ng falsification of public documents.
Bukod kay Sajid ay napatunayan ding guilty sa kaso sina Engineers Yahiya Kandong, Omar Camsa, Jaypee Piang, Anthony Kasan at Akmad Salim.
Ang kaso ay nag-ugat sa ghost projects sa panahong si Ampatuan pa ang gobernador ng Maguindanao sa maanomalyang proyekto sa imprastraktura tulad ng farm-to-market roads, ghost purchases of fuel mula sa gasoline station na pag-aari ng kapatid ni Sajid na si Andal Ampatuan Jr.
Nabigo namang makadalo sa promulgasyon ng kaso si Ampatuan na ipinaaresto ng anti-graft court matapos naman ang mosyon ng prosekusyon sa pag-iisyu ng warrant of arrest.
Ikinatwiran ng legal counsel ni Ampatuan na ang kanyang kliyente ay nasa Maguindanao dahilan sa inaatake ito ng ‘arthritic gout’ kung saan magsusumite sila ng medical certificate para dito.
Binanggit ng korte sa ibinabang desisyon ang report ng Commission on Audit (COA) hinggil sa umano’y mga kalsadang isinailalim sa rehabilitasyon na walang naging accomplishments o pagbabago.
Kaugnay nito, pinagbabayad din ng Sandiganbayan si Sajid ng P22.367-M bilang civil indemnity sa pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao at P5,000 mula sa bawat counts ng falsification ng dokumento sa nasabing ghost projects.