MANILA, Philippines — Nakumpiska ng mga otoridad ang P8.5 milyong halaga ng ecstasy tablets mula sa babaeng suspek sa “controlled delivery operation” nitong Miyerkules, sa Santa Rosa City, Laguna.
Sa ulat, sinabi ng Region 4A police na naaresto ng mga operatiba ng Ninoy Aquino International Airport-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Calabarzon Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency, Philippine Postal Corp., at local police, alas-3:30 ng hapon si Joy Buatista, alyas “Aira Almonte,” sa gasoline station sa Barangay Dita.
Nasamsam ng mga operatiba ang cargo box na idineklarang “children playing item” at may anim na stuffed toys at apat na improvised pouches.
Nang buksan ang kahon, naglalaman umano ang mga pouch ng 5,032 pink tablets na hinihinalang ecstasy na may street value na P8,554,400.
Ayon sa mga pulis, nagmula ang cargo sa isang Buatista Victoria mula Lille, France at nakapangalan sa naarestong suspek.
Kasalukuyang nakaditine ang suspek at kakasuhan ng paglabag sa Section 4 (Importation of Dangerous Drugs) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.