MANILA, Philippines — BAGO pa man dumating ang COVID-19 pandemic, nagseserbisyo na ang Pang-Masa sa publiko sa paghahatid ng pinakasariwang mga balita, pag-aaliwan, at mga akdang kapupulutan ng aral.
Nangunguna sa pahina ng tabloid ang Police Metro kung saan matutunghayan ang mga balita sa mga kaganapan sa lipunan, sa gobyerno, at pinakamatitinding kontrobersya na walang humpay na kinakalap ng mga reporters nito.
Kung nais naman na makapulot ng aral at mga idea, maihahatid ito ng Punto Mo section tampok ang kilalang kolumnista ng bansa. Mayroon ding aabangan na arawang nobela mula sa malikot na imahinasyon ni Ronnie Halos at syempre ang puso ng pahayag – ang Editoryal.
Isa sa pinakakaabangan na seksyon ng Pang Masa ay ang Pang Movies na mababasa naman ang pinakamaiinit na tsika sa mundo ng showbiz. Sinong artista ang pausbong, sino ang palaos at sino ang pinakamainit na tambalan, dito lang mababasa. Kaya, Maritess mode na.
Hindi kumpleto ang isang tabloid kung walang palakasan kaya kung balitang basketball, boxing, volleyball, at iba pa ay punta ka na sa PM Sports.
Swerte ba kamo? May seksyon kami diyan na matindi ang atraksyon niyan — ang Para Manalo. May mga prediksyon si Madam Rosa na tiyak maghahatid ng biyaya sa inyo.
Teka, tumaya ka sa Lotto? Bili ka ng Pang-Masa at matutunghayan mo ang pinakabagong bola ng PCSO. Pabalato na lang kung tumama ka ha.
Pero nababagot ka pa rin? Eto meron kaming Para Malibang seksyon na kaaaliwan mo ang mga akda ukol sa iba’t ibang paksa na kapupulutan ng aral, nakakamanghang impormasyon, at katatawanan.
Hindi mawawala sa Pang Masa ang salita ng Diyos na palaging tampok sa bawat isyu ng pahayagan. Dahil kung walang gabay buhat sa Panginoon, walang saysay ang ating buhay. Ito rin ang nagbibigay ng lakas sa Pang Masa para patuloy na magserbisyo sa tao sa paghahatid ng balita, kasiyahan, at libangan.