MANILA, Philippines — Sa posibleng kasunduan sa pagtatatag ng plantang nukleyar ay nag-uumpisa na ang Pilipinas at Estados Unidos na mag-usap.
Ngunit iginiit ng opisyal ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na bukas pa sila sa pakikipag-usap sa ibang bansa.
Matatandaan na inihayag ni US Vice President Kamala Harris sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas nang nakaraang linggo ang “123 agreement” sa pagitan ng Manila at Washington na magbibigay ng basehang legal sa pag-export ng American nuclear equipment sa Pilipinas.
“It does not lock us into the American negotiation policy. Bukas pa din tayo sa ibang bansa,” pagtitiyak naman ni Carlo Arcilla, executive director ng PNRI.
Kabilang sa nagpasabi na tutulong sa Pilipinas sa pangangailangang nuclear ang South Korea na mayron umanong planta na eksaktong modelo ng nasa bansa.
Ilan pa sa tinitingnan na opsyon ng gobyerno ang France, China at Japan na matagal nang gumagamit ng nuclear na enerhiya.
Ngunit ang South Korea umano ang pinakaaktibo at nag-alok na buhayin ang Bataan Nuclear Power Plant.
Sa kabila nito, si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pa rin umano ang magdedesisyon ukol dito.