MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad ang isa nilang kabaro at kasama nito na nahulihan ng baril na walang lisensiya sa Caloocan City.
Kinilala ang mga suspek na sina Police Staff Sergeant Gideon G. Geronga, Jr., alyas Jon-Jon, 44, nakatalaga sa Quezon City Police District-Station 16 (Pasong Putik), at Ulrick Waldemar S. Abaca alyas Lek-Lek, 34, kapwa residente ng Brgy. 176, Caloocan City na kinasuhan sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Nabatid na nagpapatrulya ang mga operatiba ng Sub-Station 15 ng Caloocan City Police Station, alas-4:00 ng madaling araw kamakalawa nang may magsumbong na namataan nila ang mga suspek na may dalang baril sa Phase 7A, Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City.
Lumapit ang mga parak at inatasan ang mga suspek na huminto ngunit nagtatakbo ang mga ito at matapos ang maikling habulan ay nahuli ang dalawang suspek at nakumpiska ang .45 caliber pistol, tatlong magazine, 21 bala at Philippine National Police identification card ni Geronga.