Chinese nasagip, 4 kidnaper tiklo

MANILA, Philippines — Isang Chinese natio­nal ang nailigtas ng mga pulis sa kamay ng apat na kidnaper nang masabat ang gamit nilang van sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Southern Police District Director, PBGen Kirby Brion Kraft ang mga nadakip na sina Qiang Wang, Chinese National, 34; Norvin Yusuff y Afalla, 42, personal assistant/driver; Joseph Barbas y Arrado, 45; at Niño Felisan y Noterte, 30, driver.

Sa inisyal na ulat, dumulog sa Tambo Police Sub-Station 2 sa Parañaque ang kapatid na babae ng biktima na si Wang Ting, at humingi ng saklolo makaraang dukutin ang biktima ng  apat na salarin sakay ng isang van.

Agad na ikinasa ang operasyon hanggang sa masabat ang kulay gray na Toyota Hi-Ace commuter van sa kanto ng Bradco at Macapagal Boulevard sa tabi ng ASEANA power station sa Brgy. Tambo, ng naturang siyudad.

Hindi nakapalag ang mga suspek nang mapalibutan ng mga pulis at tuluyang nasagip ang hindi pinangalanang biktima. Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong kidnapping.

Show comments