MANILA, Philippines — Nabibilang na ang mga araw ng mga online scammers at cybercriminals matapos namang lagdaan at pagtibayin na bilang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang SIM Card Registration Act.
Isinagawa ang ceremonial signing sa Ceremonial Hall ng Malacañang na dinaluhan ng key government officials.
Naglalayon ang SIM Card Registration Act na wakasan ang mga krimen gamit ang platform kabilang ang text at online scams sa pagkontrol sa pagbebenta at paggamit ng SIMs sa pamamagitan ng mandatoryong rehistrasyon ng mga ito.
Ang SIM Card Registration Bill ay ang kaunaunahang batas na pinagtibay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Sa ilalim ng batas, ang lahat ng public telecommunications entities (PTE) o direktang nagbebenta ng SIM card ay dapat humingi ng mga kinakailangang dokumento at pagkakakilanlan na may larawan.
Lahat ng impormasyon sa pagpaparehistro ng SIM card ay dapat ituring na kumpidensiyal maliban kung pinahintulutan ng subscriber ang pag-access sa kanyang impormasyon.
Nakasaad din sa bagong batas na ang mga telco firms ay dapat ibunyag ang buong pangalan at address na nakapaloob sa pagpaparehistro ng SIM card kung ipapa-subpoena o iuutos ng korte. - Joy Cantos