MANILA, Philippines — Nasa 97 pamilya na ang sapilitang inilikas mula sa Regions 2 (Cagayan Valley) at Region 3 (Central Luzon) sa paghagupit kahapon ni Super Typhoon Karding.
Nagsagawa ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng emergency operations center ng briefing kung saan nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na posibleng maging kasing bagsik si ‘Karding’ nina ‘Ondoy’ noong Setyembre 2009 at “Ulysses” noong Nobyembre 2020.
Gayunman, tiniyak ni Department of National Defense Officer-in-Charge Jose Faustino, Jr., na handa at nakaalerto ang Armed Forces of the Philippines na rumesponde sa mga hahagupitin ni Karding partikular sa Polillo Island sa Quezon, Aurora province at ilan pang lalawigan.
Sinabi ni Faustino na minomonitor na ng NDRRMC ang mga lalawigan upang agad na makapagpadala ng tulong at ayuda sa mga maaapektuhan.
Inalerto rin ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. ang lahat ng police commanders na makipag-ugnayan sa mga LGUs at government na kanilang nasasakupan upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa tatamaan ng super typhoon Karding.