MANILA, Philippines — Sinampahan ng patung-patong na kaso ang doktor na suspek na pumatay sa dating Lamitan Mayor, security aide nito, at isang security guard sa naganap na pamamaril sa Ateneo noong Linggo.
Kasama sa mga reklamong isinampa ng Philippine National Police ay murder at frustrated murder.
Batay sa update mula kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, tatlong bilang ng murder at frustrated murder ang isinampa laban kay Dr. Chao-Tiao Yumol sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ang mga reklamong ito, na tinukoy ng Quezon City Police District (QCPD), ay may kaugnayan sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na isinasaalang-alang ang paggamit ng mga baril sa paggawa ng krimen.
Bukod sa mga ito, nahaharap din si Yumol sa mga reklamo para sa paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 at malicious mischief na nagkakahalaga ng P80,000.
Magugunita na noong Linggo nang barilin ni Yumol ang dating alkalde ng Lamitan, Basilan Rose Furigay, ang kanyang aide na si Victor Capistrano, at ang security guard ng unibersidad na si Jeneven Bandiala.
Nakatakdang isagawa ang graduation ng Ateneo Law School sa lugar nang mangyari ang pamamaril. Ang anak ni Furigay na si Hannah, isang graduating law student, ay nasugatan at dinala sa ospital.
Ayon sa pulisya, nagkaroon ng personal na away si Yumol sa dating alkalde ng Lamitan.
Sinabi ni Quezon City Police District director Police Brigadier General Remus Medina na nauna nang nagsampa ng 76 cyber libel cases ang mga Furigay laban kay Yumol, na umano’y sinabi na sangkot sila sa ilegal na droga.
Gayunman, sinabi ng legal counsel ng pamilya na walang katotohanan ang mga akusasyon ng gunman na si Furigay at ang kanyang pamilya ay sangkot sa illegal drug trade. - Angie dela Cruz
Related video: