MANILA, Philippines — May kabuuang 223,579 drug-related cases na nakabinbin at dinidinig sa iba’t ibang hukuman sa bansa.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., sa isang pulong balitaan kahapon, kasama ang Department of Justice (DOJ) sa Camp Crame, Quezon City.
Sinabi ni Abalos na ang naturang bilang ay bahagi ng mahigit sa 291,000 drug-related cases na naisampa ng mga otoridad mula 2016 hanggang Hulyo 15, 2022.
“Ang drug cases ngayon, medyo madami. This is from 2016 to July 15, 2022. Ang total filed [cases] ay 291,393,” ayon kay Abalos.
“Of this, 62,000 have been convicted, 5,753 were dismissed, and we still have 223,579, or about 77 percent, still pending. Dapat mabantayan ito,” aniya pa.
Sinabi pa ni Abalos na ang 61% ng mga nakabinbing kaso ay may kinalaman sa drug pushing o pagtutulak ng ilegal na droga; 23% ang drug possession o pag-iingat ng ilegal na droga at 6% ang para sa drug use o paggamit ng ilegal na droga.
Ikinalungkot naman ni Abalos na maraming kasong may kinalaman sa ilegal na droga ang nadidismis dahil sa mga legal technicalities.
Ayon kay Abalos, kailangang maging resourceful ang mga otoridad upang mapatawan ng kaukulang parusa ang mga naaarestong drug suspects.