MANILA, Philippines — Nasa kabuuang P216,190,935.06 ang nagastos sa kampanya ni Vice President elect Sara Duterte gaya ng nakasaad sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) na inihain sa Commission on Elections (Comelec).
Ang P79,581,690.15 ay nagmula sa in-kind na kontribusyon na natanggap mula sa iba pang source habang ang P136,609,244.91 ay in-kind na kontribusyon mula sa kanyang political party.
Ang kabuuang ginasta ni Duterte ay mababa sa P674-M halaga na itinatakdang limitasyon ng Comelec para sa isang kandidatong Bise Presidente.
Si Duterte-Carpio ay nagwagi sa ginanap na halalan matapos namang makakuha ng mahigit 32 milyong boto na pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas sa mga kumandidatong Bise Presidente.
Samantala, sa SOCE na inihain ni presidential candidate Senator Manny Pacquiao ay nakasaad na gumastos lamang siya ng P119,128,914.14 sa kaniyang kampanya.
Sa naturang halaga, nasa P62,677,926.12 ang nanggaling sa kaniyang sariling bulsa habang nasa P7,750,000 ang “cash contributions” at P48,700,988.02 halaga ang “in-kind contributions”.
Sa ilalim ng batas, pinapayagan lamang ang mga kandidato sa nasyunal na posisyon na gumastos ng P10 bawat rehistradong botante o maximum na P674 milyon para sa buong “campaign period”. - Danilo Garcia