MANILA, Philippines — Lumampas na sa kapasidad at apaw na sa pasyente ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na karamihan ay may problema sa bato.
“Nitong linggo nga, kailangan namin mag-decongest. Maglipat kami ng ibang pasyente sa ibang ospital, lalo na sa Tala Hospital. At saka nagbukas na rin kami ng gym. Kasi sobra na sa 3 times capacity namin last week,” wika ni NKTI executive director Dr. Rose Liquete.
Sa kasalukuyan ay limitado na ang pagtanggap nila ng pasyente dahil puno na sila sa kapasidad ng mga pasyente kahit na nabuksan pa ang kanilang gym para mapalawak ang serbisyo.
Bukod sa kakulangan sa espasyo para sa mga pasyente ay kulang din sila sa mga nurse na magsisilbi sa mga pasyente.
“Sa ngayon, para sana ma-break even man lang kami, 90 ang kailangan namin na nurses. So, marami nang umalis, medyo kaunti lang ang nag-a-apply,” dagdag ni Liquete. Nanawagan din si Liquete sa mga nurse na magsipag-aplay sa NKTI para makatulong na maserbisyuhan ang mataas na bilang ng kanilang pasyente.