5K pulis ikakalat sa bisinidad ng National Museum
MANILA, Philippines — Upang matiyak ang seguridad ay nakatakdang ikalat ang nasa 5,000 tauhan ng Manila Police District (MPD) sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.,sa bisinidad ng National Museum sa Hunyo 30.
Sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, sisiguruhin nila na bantay-sarado ang paligid sa napiling lugar ng inagurasyon kaya’t bumuo na ang PNP ng Task Force Manila na siyang pangunahing puwersa nila na magbabantay sa seguridad.
Simula sa Lunes sa Hunyo 6 hanggang Hulyo 4, pansamantalang isasara ang National Museum bilang bahagi ng security plan.
Magtatalaga naman ng mga parking areas sa museum habang may ilalaan na mga lugar tulad ng mga ‘freedom parks’ para sa mga inaasahang kilos-protesta na pangungunahan ng militanteng grupo.
Inihayag naman ni incoming Executive Secretary Vic Rodriguez na si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang mangangasiwa sa oath taking ni Marcos Jr.
Sinabi ni Rodriguez na gagawin ang oath-taking ‘outdoors’ upang masaksihan ng sambayanang Filipino lalo na ng mga nagbigay ng nag-uumapaw na suporta kay Marcos Jr., ang nasabing event. - Malou Escudero