MANILA, Philippines — Nasa 7 illegal online websites na nag-o-operate ang naipasara na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kasunod ng crackdown ng pamahalaan.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, iniimbestigahan na rin ngayon ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cyber Crime Group kung sinu-sino ang mga administrators ng mga nasabing websites upang masampahan ng kaukulang kaso.
Sinabi ni Malaya na nagsasagawa na rin ang PNP ng cyberpatrolling operations upang matunton ang iba pang websites, applications, at social media platforms na ilegal na nag-o-operate sa kabila nang direktiba ni Pang. Rodrigo Duterte.
Sa nasabing 12 websites, dalawa lamang umano ang rehistrado sa Pilipinas habang ang iba pa ay matatagpuan sa ibang bansa.
May nadiskubre rin aniya silang ilang Facebook pages at mga grupo na nagpu-promote ng e-sabong at siyang magbibigay ng link, kung magpapadala ka ng mensahe sa kanila.
Sinabi ni Malaya na hiniling na nila sa Meta, ang parent company ng Facebook, na kaagad na burahin o suspindihin ang mga naturang FB pages.