MANILA, Philippines — Pinuri ni House Ways and Means Committee chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda, si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda at pagsasabatas kamakailan sa inamyendahang Public Service Act (PSA) na kapalit ng 85-taon ng Commonwealth Act No. 146, at inaasahang aakit ng maraming dayuhang pamumuhunan sa bansa.
Ayon kay Salceda na siyang pangunahing may-akda ng inamyendahang batas sa Kamara, papayagan na ng bagong PSA ang 100 porsiyentong pamumuhunan ng dayuhang kapital sa ilang sektor ng ekonomiya na sadyang mahalaga sa pangmadlang kagalingan ng mga Pilipino, at pupuno sa kakulangan sa pamumuhunan sa bansa.
“Bago naamyendahan ang ating PSA, Pilipinas ang tanging bansang nagbabawal sa mga dayuhang mamuhunan batay sa implikasyon.Basta inakala natin na lahat ng proyektong ‘public services’ ay ‘public utilities.’ Sa ating Saligang Batas, nililimitahan lamang ang dayuhang puhunan sa ‘public utilities’ at hindi kasama ang ‘public services,’” dagdag niyang paliwanag.
Binigyang diin ni Salceda na ang mga amyenda sa PSA ay magiging daan ng pagdagsa ng malalaking dayuhang pamumuhunan ang paglikha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino. Inaasahan niyang aakit ang mga amyenda ng mga P299 bilyong dayuhang puhunan sa susunod na limang taon.
Idinagdag pa na ang pangunahing benepisyong pang-ekonomiya ng mga amyenda sa PSA ay ang likha nitong kapani-paniwalang banta ng kumpetisyon para sa mga lokal na mamumuhunan mula sa dayuhang puhunan na makatutulong sa pagpigil sa mga monopolyo at oligopolyo, at lalong sikaping maging mahusay at mabisa ang kanilang serbisyo.