MANILA, Philippines — Mariing pinabulaan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na nagkaroon ng anomalya sa pamamahagi ng mga ayuda sa pandemya para sa mga residente sa lungsod.
Sinagot ng Quezon city government ang mga paratang ni mayoralty candidate at Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor sa alegasyon nitong nagkaroon ng overpricing sa pagbili ng mga grocery items na ipinamahagi sa mga residente sa kasagsagan ng pandemya sa COVID-19.
Sa isang pulong balitaan, hinamon ni City Legal head Atty. Nino Casimiro si Defensor na ilabas sa publiko ang “technical review report” na hiningi mismo nito sa Commission on Audit (COA) na magpapatunay na hindi totoo ang mga akusasyon nito.
Nanindigan ang lokal na pamahalaan na walang anomalya at dumaan sa tamang proseso ang pagbili nila ng mga grocery items na ipinamahagi bilang ayuda sa mga residente noong nakaraang taon.
“Kung naniniwala siya sa sinasabi niya, siya na mismo mag-file hindi ‘yung magkalat ng mali info, mag-Marites, that’s unproffessional. Malaki pagkakaiba (sa) pagpuna at paninira,” diin ni Atty. Casimiro.
Ipinakita rin nito ang kaparehong kopya ng bidding document na ginagamit umano ni Defensor sa paninira.
Diniin ni Casimiro na nililito lang ng mambabatas ang publiko sa pamamagitan ng pag-focus sa presyo ng bigas na isa lang sa 22 produkto na nakapaloob sa buong kontrata na nagkakahalaga ng P9,729,500.
Sa harap nito, hinamon din ng kampo ni Mayor Joy Belmonte si Defensor na isapubliko ang technical review report na hiningi mismo ng mambabatas sa COA para patunayan kung nagkaroon nga ng anomalya sa mga kontrata ng QC.