MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay pinag-aaralan ng Malacañang ang panawagan na magdeklara ng state of emergency.
Ito ang sinabi ni Senador Bong Go, at maliban dito, pinag-aaralan na rin ng palasyo ang panawagan sa pangulo na magpatawag ng special session ng Kongreso para sa bukod na panawagan sa suspensyon ng excise tax sa petrolyo.
Paliwanag ni Go, na kilalang malapit sa pangulo hindi niya masiguro kung papaboran ng pangulo ang deklarasyon ng economic emergency, subalit noong kausap ng presidente ang ilan sa kanyang gabinete ay pinaaral niya ang mga nabanggit na isyu.
Sinabi naman senador na isa siya sa paghahangad na masuspinde muna ang buwis sa petrolyo, subalit ang tanong ay kung papayag umano ang mga economic managers dahil may projection na sila sa buwis na kikitain ng gobyerno ngayong taon.
Susuportahan din umano niya kung mayroon panukala na dagdagan ang budget na pang ayuda sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan, mga magsasaka at mangingisda na tinatamaan ngayon ng pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Nanawagan rin si Go sa mga kumpanya ng langis na huwag magsamantala sa sitwasyon at huwag palobohin ang presyo ng petrolyo.