Mag-ate timbog sa P5.1 milyong ecstasy sa Quezon City

Batay sa ulat, alas-6:00 ng gabi nang ikasa ang controlled delivery operation sa bahagi ng Philand Drive, Pasong Tamo, sa Tandang Sora, ng mga otoridad na nang makatanggap ng impormasyon ang PDEA-ICFAS mula sa Shenzen Chinese Customs hinggil sa isang partikular na pakete mula sa Zaandam, Netherlands na umano ay naglalaman ng mga ilegal na droga, at darating sa Port of Clark.
Philstar.com / File

MANILA, Philippines — Isang magkapatid na babae ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang makum­piskahan ng may 3,034 piraso ng ecstasy na nagkakahalaga ng P5,157, 800, sa isang controlled delivery operations na ikinasa sa Tandang Sora, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga naarestong magkapatid na sina Jennica Abas alyas Evelyn Sotto at kanyang kapatid na si Genevie Abas, kapwa residente ng 66 Agno St., Brgy. Tatalon, Quezon City.

Batay sa ulat, alas-6:00 ng gabi nang ikasa ang controlled delivery operation sa bahagi ng Philand Drive, Pasong Tamo, sa Tandang Sora, ng mga otoridad na nang makatanggap ng impormasyon ang PDEA-ICFAS mula sa Shenzen Chinese Customs hinggil sa isang partikular na pakete mula sa Zaandam, Netherlands na umano ay naglalaman ng mga ilegal na droga, at darating sa Port of Clark.

Ang naturang pakete ay idineklarang naglalaman ng ‘solar lights for home use’ at naka-address sa QC ay ­dumating noong Enero 20, 2022.

Nang isailalim sa physical examination, nadiskubre ng mga otoridad ang tatlong piraso ng solar lights at heating cushion na kung saan may anim na plastic pouches na may 10 gramo ng mga pira-pirasong blue at pink tablets, na malaunan ay nakumpirmang mga ecstasy.

Kaagad nagkasa ng operasyon ang mga otoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng magkapatid.

Show comments