MANILA, Philippines — Naibigay na ang totoong kalayaan sa mga Indigenous People (IPs) sa Eastern Mindanao nang durugin ng Philippine Army (PA) ang Sub-Regional Committee 5 (src5) ng Communists Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ito ang inihayag ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) nang sumuko ang mga rebeldeng sina Ida Marie Montero alias Mandy, Secretary at Finance Officer ng NPA src5 ng CPP-NPA-NDF Southern Mindanao Regional Committee (SMRC); Renato Lubguban alias Jose, Deputy Secretary; Lutenant Apoga alias Macky, Commanding Officer, Sub-Regional Guerilla Unit (SRGU), src5; Lito Taluwa alias Lito, Acting CO, SRGU, src5 at Enrico Caramat alias Marco, Political Instructor, isang student leader sa Manila na matagal ng hinahanap ng kanyang mga magulang.
Sinabi ni Lt.Gen.Greg Almerol, Commander, Eastern Mindanao Command na ang buong liderato ng src5, SMRC, at SRGU nito ay nagsisuko sa 1003rd Infantry Brigade na pinamumunuan ni Col. Consolito P. Yecla noong Enero 10, 13 at 16, 2022, sa Sitio Minalong, Brgy. Kahusayan, Kitaotao, Bukidnon at Sitio Sambulungan, Brgy Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte.
Sinabi naman ni Montero a.k.a. Mandy na nagpasya silang sumuko dahil walang “mass-based” na suporta mula sa IP communities at tanging suporta mula sa pamahalaan ang kanilang nakukuha alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Duterte na “whole-of-nation approach”.