Mga lugar na inilagay sa Alert Level 3 nadagdagan pa

MANILA, Philippines — Marami pang lugar sa bansa ang madadagdag na isailalim sa Alert Level 3, simula bukas Enero 9.

Ito ang kinumpirma ni Cabinet Secretary at  Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases,kamakalawa ng gabi  ang rekomendasyon ng kanilang sub-technical working group na nag-aaral nang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Kabilang sa ilalagay sa Alert Level 3 ang Baguio City sa Cordillera Administrative Region (CAR); Dagupan City sa Region 1; Santiago City sa  Cagayan sa Region 2; Angeles City, Bataan, Olongapo City, Pampanga at Zambales sa Region 3; Batangas at  Lucena City sa Region 4-A; Naga City sa Region 5; Iloilo City sa Region 6; at Lapu-lapu City sa Region 7 na epektibo simula bukas Enero 9 hanggang 15.

Magugunita na nauna nang inilagay sa Alert Level 3 ang NCR, sinundan ng mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna.

Pinapayagan ang mga negosyo sa Alert Level 3 pero hanggang 30% na kapasidad lamang sa indoors at 50% capacity sa outdoor venues upang matiyak na maipatutupad ang social distancing.

Ang mga pampublikong sasakyan naman katulad ng bus at dyip ay dapat hanggang 70% capacity lamang.

Show comments