eHealth System and Services Act lusot sa Kamara

MANILA, Philippines — Pinagtibay na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas para sa pagtatayo ng Philippine Electronic Health o eHealth System and Services Act.

 Ang House Bill (HB) 10245 o ang “eHealth System and Services Act” ay pangunahing iniakda ni 4th District Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan, Chairperson ng House Committee on Health.

Ayon kay  Tan, nilala­yon ng nasabing panukalang batas  na higit pang mapalakas ang pagpapatupad ng Universal Health Care o Kalusugang Pangkalahatan sa buong bansa.

 Sa nagkakaisang boto ng mga Kongresista, lumusot ang House Bill No. 10245 kung saan sa ilalim ng naturang panukalang batas ay itatayo ang sistema ng pagbibigay ng malawakang pagkakaroon ng kalidad na impormasyon ukol sa kalusugan at mga serbisyo gamit ang Information and Communication Technology (ICT) o ang National eHealth System (NeHS).

Sakaling maisabatas ang panukala, magtatayo ng isang inde­pendent body na tatawaging eHealth Policy and Coordination Council na siyang gagawa ng mga polisiya at hakbang para sa epektibong pagpapatupad ng eHealth system.

Ipapatupad din ang ­ilang mga aktibidad tulad ng pagsasakatuparan ng eHealth services and applications, pagsasagawa ng Human Resource for eHealth Development Plan, pagtatayo at pagmintina ng kinakailangang national ICT infrastructure upang ipatupad ang eHealth services and applications at ang National eHealth Data Center.

 Idinagdag pa ni Tan na ang eHealth ay magi­ging mabisang paraan sa pag-aalaga ng kalusugan habang binibigyang proteksyon ang mga pasyente at mga health providers sa nakakahawang sakit na COVID-19.

Show comments