MANILA, Philippines — Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Quezon City Police District (QCPD)-Galas Police Station 11 at Bureau of Customs (BOC), Port of Clark ang isang ginang at nasamsam dito ang nasa P16 milyong halaga ng ecstasy kahapon sa Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Elisha Ilas Mae, residente ng No. 39 BMA corner Kaliraya, Brgy. Tatalon, Quezon City na nadakip dakong alas-3:45 ng hapon nang makorner sa isinagawang ‘controlled delivery operation’ ng mga otoridad sa Brgy. Tatalon at nakuha dito ang 9,948 piraso ng ecstasy.
Ayon sa mga operating units mula sa PDEA RO 3 Clark Inter Agency Drug Interdiction Task Group, PDEA-SIU SBMA, PDEA-SIU BATAAN, PDEA-NCR, QCPD Station 11 at BOC, ang nasabing dami ng ecstasy na may street value na P 16,911,600 ay dineliber na sa bahay ng suspek.
Una dito, nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na may idedeliber na package sa suspek na naglalaman ng iligal na droga.
Iniimbestigahan pa kung saan at sino ang nagpadala ng nasabing package na naglalaman ng ecstasy, subalit nananatiling tikom pa ang bibig ng suspek.