MANILA, Philippines — Binanatan ng Quezon City government si Anakalusugan Rep. Michael Defensor dahil sa umano’y ‘panlilinlang’ sa publiko hinggil sa sinasabing nalalapit na pagtataas ng buwis.
“He is lying, the ordinance mentioned by the lawmaker has nothing to do with increasing the land tax rate, but refers to increasing assessed value of properties in Quezon City,” ayon kay City Attorney Orlando Casimiro.
Tinutukoy ni Casimiro ang Ordinance No. SP-2556, na ipinasa noong 2016 kung kailan si Mayor Joy Belmonte ay bise alkalde pa lamang at Presiding Officer ng Quezon City Council.
Nabatid na ang ordinansa ay ipinasa bilang pagtalima sa mandato ng Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991 na nagsasaad na ang lahat ng local government units (LGUs) ay dapat na magsagawa ng real property assessment kada ikatlong taon.
Nagpalabas naman ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) upang itigil ang implementasyon ng ordinansa matapos itong kuwestiyunin sa Mataas na Hukuman noong 2017 ngunit ibinasura rin ng Korte Suprema ang petisyon noong 2018.
Hindi rin naman ito naipatupad bilang pagtupad sa pangako ni Belmonte noong 2019 campaign na hindi magtataas ang kanyang administrasyon ng real property taxes.
Nilinaw rin ni Casimiro na ang ordinansa ay hindi magreresulta sa pagtataas ng buwis sa lupa dahil iaayos lamang nito ng tama ang mga halaga ng lupa upang mapagtanto ng mga may-ari ng lupa ang ‘higher returns’ sa kanilang mga lupain.
Bagama’t plano aniya ng city government na tumalima sa increased land values na iminamandato ng batas, sinabi ni Casimiro na ang pagpapatupad nito ay malabo pa sa ngayon dahil sinuspinde ito ng City Council.
Binigyang-diin din ni Casimiro na ang pangako ni Defensor na hindi magtataas ng land taxes sa Quezon City ay hindi na bago dahil ito na ang ginagawa ni Belmonte sa nakalipas na tatlong taon.
Nabatid na idineklara na rin ni Vice Mayor Gian Sotto, na siya ring presiding officer ng Quezon City Council, na walang bagong buwis na ipaiiral sa lungsod.
Sinabi ni Sotto na ang Ordinance No. SP-2556, S-2016 ay ipinasa lamang bilang pagtalima sa RA 7160 noong termino ni dating Mayor Herbert Bautista.
“Ngunit sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte noong siya’y Vice Mayor, ito ay nasuspinde at patuloy na hindi kinokolekta ng ating lungsod sa bisa ng SP-2778, S-2018 (suspending collection for 2018 and 2019) at SP-8888, S-2019 (suspending for 2020),” aniya pa.
Nagpasa rin umano ang City Council ng dalawa pang ordinansa (SP-2986, S-2020 at SP-2996, S-2021) na nagsususpinde sa implementasyon ng SP-2556, S-2016 noong 2021 at 2022.