MANILA, Philippines — Inisa-isang sinagot ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang umano’y mga akusasyon na inilabas ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) kaugnay sa umano’y “offshore investments” ng kalihim.
Ayon kay Tugade, hindi nakarating sa kanyang kaalaman ang tungkol sa ipinadalang interview request letter ng PCIJ kaya hindi niya ito naaksyunan.
Bagama’t ito ay dapat public record ang nasabing investment sa Solard Holdings ay personal financial niyang hakbang at ito ay nagsimula pa bago siya pumasok sa gobyerno.
Nilinaw din ng Kalihim na ang Solart Holdings ay itinatag noong 2003 kung saan ilang bahagi ng cash assets hawak ng kanilang pamilya.
Ang pagkakaroon umano ng kanilang family savings na inilagak sa Solart Holdings ay legal na hakbang para lumago ang kanilang financial portfolio katulad ng ibang mga negosyante kaya nagdesisyon silang ilagay ang bahagi ng kanilang savings sa ibang bansa na balido naman at legal.
Idinagdag pa ng kalihim na nakasaad din ito sa kanyang sinumpaang Assets, Liabilities and Networth (SALN) sa ilalim ng “Personal Properties - Intangible”, partikular na bilang “Offshore Investments” simula 2012 to 2020 kung saan sa nasabing panahon ay bahagya lamang gumalaw ang naturang account.
“Wala po akong tinatago, at sasagutin ko ang anumang paratang at katanungan in appropriate forums and manner,” pagwawakas ni Tugade.