MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang apat katao kabilang ang isang barangay chairman dahil sa reklamong Malversation of Public Funds partikular ang paglustay sa Social Amelioration Program (SAP) at pamemeke ng dokumento.
Batay sa ulat, alas-9:20 ng gabi nang maaresto sa Bagumbayan St. Sta. Mesa, Maynila si Mario Simbulan, 73, tserman ng barangay 608, Zone 61, District VI, at residente ng 217-C Bagumbayan St., Sta. Mesa, kasabwat nitong sina Ma. Cristina Zara, 53, kagawad; Isagani Darilay, 42, Brgy. EX-O; at isang John Mark Nagera, 24.
Ang apat ay inireklamo dahil sa hindi naibigay na ayuda mula sa SAP ng gobyerno para sa ikalawang kwarter na halagang P8,000 ng mga complainants na sina Jerson Ceniza, 30, walang trabaho; at Renerio Salabo, 32, store attendant.
Ayon sa impormasyon, sa kabila na nasa listahan ang mga recipient, hindi nila natanggap ang dapat sanang cash aid na para sa kanila.
Narekober sa mga naaresto ang master list ng beneficiaries at dalawang pekeng identification cards ng mga suspek na nakalagay ang pangalan at address ng mga complainant na inisyu ng Brgy. 608.
Ang apat ay mahaharap sa kasong paglabag sa Art 217 (RPC) Malversation of Public Funds (Social Amelioration Program Funds) at Art 172 Falsification of Public Documents.