MANILA, Philippines — Sa botong 197 na pabor at walang tutol ay lusot na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang Health Procurement and Stockpiling Act o ang pag-iimbak ng gamot sa panahon ng emergencies na iniakda ni Quezon Rep. Angelina Helen Tan.
Sa ilalim ng panukala ni Tan, layon nito na masiguro na magkakaroon ng “access” ang publiko sa mga gamot, bakuna at iba pang gamit na kritikal sa panahon ng health emergencies, tulad ngayon na may COVID-19 pandemic.
Ayon sa mambabatas na chairperson ng House Committee on Health, hangad ng Stockpiling Bill na maiwasan na ang mga naging problema sa kakapusan ng mga suplay ng face masks, PPEs, ventilators, at RT-PCR test kits at mga makina.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ng isang Health Procurement and Stockpiling Bureau, sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Tiniyak naman ni Tan na hindi matetengga sa mahabang panahon ang mga gamot, bakuna at iba pang kagamitan, para agad na mapakinabangan ng publiko at maiwasan ang expiration o pagkasayang ng mga ito.