Duterte, Biden magkikita sa ASEAN Summit

Ito ay matapos magpahayag umano si Biden na kagustuhang makilala sa personal si Duterte dahil sa selebrasyon ng ika-75 taon ng alyansa ng dalawang bansa ngayong taon.
Andrew Harnik-Pool/Getty Images/AFP POOL

MANILA, Philippines — Ipinahayag ni Presidential spokesman Harry Roque na posibleng magkita sa unang pagkakataon sina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Joe Biden sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Brunei nga­yong Oktubre.

Ito ay matapos magpahayag umano si Biden na kagustuhang makilala sa personal si Duterte dahil sa selebrasyon ng ika-75 taon ng alyansa ng dalawang bansa ngayong taon.

Sa interbyu sa RMN kay Roque, sinabi nito na ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, na maaari nang makapagkita ang dalawang Pangulo sa ASEAN Summit.

Ayon pa umano kay Romualdez na umaasa ang US na pirmahan na ni Pangulong Duterte ang mas pinalakas pang VFA kung saan mismong si Biden na ang lumiham kay Duterte ukol dito.

Sa kabilang banda, sinabi ni Roque na kailangan pa ng Pangulo ng mas mahabang oras para makapagdesisyon ukol dito.

Show comments