MANILA, Philippines — Isang albularyo na umano’y lider ng isang kulto ang inaresto matapos na ireklamo nang pangmomolestiya at panghahalay ng tatlong batang babae sa Quezon City, nabatid kahapon.
Ang suspek ay nakilalang si Romeo Delos Reyes, 46, janitor sa isang warehouse at naninirahan sa Brgy. Damayang Lagi, Quezon City.
Batay sa ulat, nag-ugat ang pag-aresto sa suspek matapos na magtungo sa pulisya ang mga magulang ng mga biktima na nagkakaedad ng 10, 12 at 14-anyos para ireklamo ang suspek.
Sa reklamo, natukoy na naganap ang umano’y kahalayan noong Mayo 28 sa bahay mismo ng suspek.
Nauna rito, sinabihan umano ng suspek ang mga magulang na papuntahin ang mga bata sa kanya bilang mga miyembro ng kanilang religious group para sa blessings at bible study.
Ang bahay ng suspek ang siyang nagsisilbing dasalan ng mga miyembro nito at madalas ay doon na natutulog ang mga biktima dahil magdamag ang kanilang aktibidad.
Sinasabing ginagamot ng suspek ang mga magulang ng mga bata ng libre kaya’t pumapayag silang doon matulog ang mga anak.
Nabatid lamang ng mga magulang ang ginagawang kahalayan sa kanila ng suspek nang magsumbong na ang isa sa mga biktima.
Sa reklamo, sinasabing hinihipnotismo ang mga bata bago isagawa ang panghihipo sa kanila na sinasabing bahagi ng blessing at pagpapatuloy ng panggagamot sa mga ito.