MANILA, Philippines — Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang apat na luxury vehicles, na nagkakahalaga ng P10 milyon na nadiskubreng nakatago sa likod ng mga ukay-ukay na nakasakay sa isang container van nang dumating ito sa Manila International Container Port (MICP).
Ang naturang apat na smuggled luxury sports vehicles ay isang Porsche Boxter Sports Car, isang Mercedes Benz SLK Sports Car, at dalawang Toyota MR-S Sports Cars, na pawang galing sa bansang Japan at naka-consigned sa JLFDM Consumer Goods Trading.
Ayon kay Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-MICP, ang operasyon ay bahagi ng anti-smuggling campaign ng ahensiya, na naglalayong hulihin ang mga smugglers ng mga luxury vehicles sa bansa.
Nakatanggap umano ang CIIS-MICP chief ng impormasyon noong Mayo 14 at hiniling kay MICP District Collector Romeo Rosales na magpalabas ng PLCO (Pre Lodgment Control Order), para sa shipment.
Nang dumating ang barkong kinalululanan nito noong Mayo 24, kaagad na hiniling ni Enciso ang pagsasagawa ng physical inspection sa container noong Mayo 26 at dito na nadiskubre ang mga luxury vehicles, na nakatago sa likod ng may 40 bundles ng mga ukay-ukay.
Tiniyak naman ng BOC na mananatiling mahigpit ang border security ng bansa dahil sa commitment at pagsusumikap nitong labanan ang mga smugglers, alinsunod na rin sa istriktong anti-smuggling policies ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero.